KUMUSTA NA MGA FOLKS? (DEC. 16)

December 16th, 2008 by robertsretardo

Kumusta na mga folks?

Noong nakaraang linggo, quinarantine ang ilang hog farms sa Bulacan, Nueva Ecija at Pangasinan dahil sa pag-positibo nito sa Ebola Reston Virus. Pero sinabi naman ng mga kinauukulan na huwag mangamba dahil safe naman daw kainin ang mga baboy. Huwag din daw mangamba dahil hindi raw ito nakakahawa sa tao bagkus ang mga baboy at unggoy lang ang nagkakasakit ng ganito.

Ang tanong ko lang, iyon kayang mga MUKHANG BABOY at UNGGOY, mga safe din kaya sila sa Ebola Reston Virus? Worry lang kasi ako eh hehehe. Joke lang.

                                        ——————

Nanalo na naman si Pacman sa huling laban niya kay Dela Hoya. Dahil doon, ginawaran si Pacman ng Ambassador of Peace ng Malacanang.

Di ba mas bagay sa kanyang maging AMBASSADOR OF FIST?

                                       ——————

Phenomenal movie kung ituturing ang pelikulang Twilight. Sa totoo lang, kahit ako, nagustuhan ko iyong movie.

Anyway, alam ninyo ba kung bakit nag-ii-sparkle like diamonds iyong skin ni Edward Cullen doon sa movie?

Ang sagot, kasi raw ONLY BELLA TOUCHES HIS SKIN HEHEHEHE.

                                    ——————-

Humahataw ngayon sa top ten iyong bagong kanta ni Britney Spears huh. Kapag pinapanood ko nga iyong MTV nito o kaya kapag napapakinggan ko sa radyo, bigla kong naaalala iyong karamihan ng mga kaibigan kong lalaki. Bakit ko sila naaalala? Kasi iyong bagong kanta ni Britney ang titulo ay WOMANIZER.

                                   ——————–

Nanonood ba kayo ng Pinoy Fear Factor? Sa totoo lang, maganda iyong palabas na ito sa Channel 2. Noong una pinanuod ko lang ito dahil gandang ganda ako kay Gail Nicolas (iyong unang natanggal). Pero nang naglaon, nagustuhan ko na rin ito. Bukod kasi sa exciting panoorin iyong mga stunts at tests, may mga matututunan pa iyong mga manonood ng mga basic Spanish words.

Bigla ko tuloy naalala iyong teacher ko noong Elementary. Sa kanya kasi ako unang natuto ng salitang Spanish eh. Noong estudyante pa kasi ako, lagi niyang sinasabihan ang klase namin ng ganito kapag magulo kami;

“PUNYETA! Hindi ba talaga kayo tatahimik na mga bata kayo?!” Hehehe.

Pag-galit lang naman siya ganoon. Pero mabait itong teacher kong ito. (Sabay kambiyo hehehehe.)

SIge dito na lang. Huwag seryosohin ang mga nakasulat sa taas dahil mga jokes lang ang mga ito.

Regards,

Papa Birth

KUMUSTA NA MGA FOLKS? (NOV.14)

November 14th, 2008 by robertsretardo

Kumusta na mga folks?

Ramdam na ngayon ang simoy Pasko dito sa Pinas. Tuwing gabi at madaling araw iba na ang breeze ng hangin. May kalamigan na ito. Kaya nga tiyak mauuso na naman ngayon ang sipon at tarangkaso.

Naalala ko tuloy dati, kapag may sipon at tarangkaso ka, bibiruin ka ng mga kaibigan mo na ang gamot lang sa sipon at tarangkaso mo ay KISSPIRIN at YAKAPSULE. Pero ngayon iba na ang biro. Mas liberated na. Kapag may sipon at tarangkaso ka, ang sasabihin sa iyo ng mga kaibigan mo, ang gamot na sa sipon at tarangkaso mo ay BIOGESEX na.

Sabagay, okay naman ang BIOGESEX.

SAFE… KAHIT WALANG LAMAN ANG TIYAN.

INGAT! (Excerpt from John Lloyd’s TV Commercial)

                                        ——————-

Natuloy rin sa wakas kahapon ang pagdalo ni JOCJOC sa hearing sa Senado tungkol sa Fertilizer Fund Scam. Bago iyon, nagpa-abiso na si JOKER Arroyo na hindi dadalo sa nasabing hearing. Alam ninyo ba kung bakit? Baka raw kasi magmukhang COMEDY BAR iyong Senate.

                                       ——————-

Speaking of Comedy Bar. Bukod kina Pooh, Pokwang at Vice Ganda, isa rin si John Lapuz sa mga magaling na komedyante ng Pinas sa kasalukuyan. Kaya nga madalas inaabangan ng karamihan iyong DON’T LIE TO ME SEGMENT niya sa Showbiz Central. Lalo na iyong portion na kapag nagla-LIE iyong naka lie-detector test, nakakatuwa iyong pagli-lift sa kanya ng mga dancers.

Alam ninyo ba na nirequest pala na i-lie detector si JOCJOC sa Senate hearing pero hindi natuloy? Pumayag naman si JOCJOC na magsuot ng lie-detector pero sa isang kundisyon… Kapag nag-LIE raw iyong result sa tanong sa kanya, SASAYAW DAW DAPAT IYONG MGA SENADOR AT ILI-LIFT SI SENATE PRESIDENT VILLAR.

Kung di daw pwede i-lift si Sen. Villar, kahit iyong sayaw na nasa links sa baba na lang daw. (Dahil madaming Lawyers sa likod ni JOCJOC noong Senate hearing, hiniling niya na sa kantang LAW este LOW sila sasayaw hehehe)

Please see links below.

http://www.youtube.com/watch?v=8wrFBetrjR4&feature=related

http://www.youtube.com/watch?v=Ml8CtRv1jiU

                                        ————-

Punta naman tayo sa USA. Sa ngayon ay naghahanap pa rin si Barack Obama ng aso na aalagaan niya sa pag-upo niya sa White House. Sana sa pag-upo niya, magkaroon din sana siya ng opisyal na kapeng iinumin. Kapag nagkagayon, malamang malaki ang tiyansang mapili niya ang KAPE ng mga taga-Batangas na tatawagin niya sa White House na BARACK OBAMA COFFEE o sa Tagalog ay KAPENG BARACK O. (Kapeng barako hehehe, pina-sosyal lang.)

Sige dito na lang.

God Bless You All.

Joke lang iyong mga nasa itaas at huwag seryosohin.

Regards,

Papa Birth

 

  

 

KUMUSTA NA MGA FOLKS? (NOV. 07)

November 6th, 2008 by robertsretardo
Kumusta na mga Folks?
 
Bago ako magsimula, batiin ko muna iyong lahat ng may kaarawan sa buwang ito. Ang wish ko sa inyo ay sana humaba pa ang inyong mga buhay nang mahabang mahaba… Iyong mahabang-mahaba na sa sobrang haba ay AYAWAN NYO NA HEHEHE.
 
Kidding aside. Ito talaga ang message ko sa inyo. Pakibisita itong link na ito:
 
http://www.youtube. com/watch? v=uu8456pVSLI&feature=related
 
Iyong hindi birthday this month, huwag titingin ha. Para lang sa mga may birthday iyong link. (Uyy… titingin pa rin iyan kasi naku-curious hehehe.)
 
                                           ——————
 
Anyway, panalo na si Barack Obama as the 44th President of the United States of America. Kasaysayan ang nangyaring ito sa America dahil noong 1950s’ to 60s’ sa pangunguna ni Martin Luther King Jr. ang kahilingan at ipinaglalaban ng mga Itim sa America ay ang pagkawala ng racial segregation at racial descrimination. Naging tanyag pa nga noon iyong 1963 March on Washington for Jobs and Freedom kung saan binanggit ni Martin Luther King Jr. ang kanyang naging tanyag na “I HAVE A DREAM” speech. At ngayon, ang mga sa tingin natin na Impossible Dream dati ay naging POSSIBLE na. Sana dito sa Pinas, iyong mga pangarap natin na maging FIRST WORLD itong ating bansa ay matupad din. Wala namang imposible sa buhay eh… Lalo na kapag katuwang mo ang GLOBE… Sa Globe kasi, WALANG IMPOSIBLE. (Commercial ba ito hehehe)
Ito nga pala ang link para sa message ni Barack Obama ngayong nanalo na siyang Presidente. Panoorin ninyo para mai-inspire kayo.
http://www.youtube.com/watch?v=b-yJBsjatW0
 
                                         ——————
 
 
Sabi ng iba, kung ngayon daw ang USA ay may Presidenteng ITIM, ang PINAS daw ay matagal ng may Presidenteng ITIM DIN…PRESIDENTENG ITIM ANG BUDHI HEHEHE. JOKE LANG.
 
                                         —————–
 
Speaking of itim. Nauuso ngayon iyong mga tao na itim lahat ang suot, mukhang laging malungkot, itim ang kuko, itim ang mata at mukhang emote na emote lagi. Ang tawag nga sa kanila ay EMO. Dahil nakikilala na ang mga EMO ngayon, iyong kaibigan kong script writer ay gumawa ng movie script para sa mga EMO. Ang istorya ng script niya ay mawawala ang binatilyong EMO at hahanapin ng tatay niya. Ang mangyayari, mapapadpad ang binatilyong EMO sa Australia at mapupunta sa klinika ng isang dentista. May titulo na ang kaibigan kong writer sa ginawa niyang script at ang titulo na naisip niya ay FINDING EMO. (HEHEHE)
Biro lang iyong mga nasa itaas ha. Huwag dibdibin at baka atakihin hehehe.
Regards,
PAPA BIRTH
 

KUMUSTA NA MGA FOLKS? (Oct.30)

October 30th, 2008 by robertsretardo

Kumusta na mga folks?

Nandito na sa Pinas ngayon si Joc Joc Bolante. Ang sinasabing mastermind umano ng Fertilizers Fund Scam. Iyon nga lang, pagdating niya rito noong makalawa ay dineretso siya kaagad sa Saint Lukes Hospital dahil sa paninikip daw ng dibdib.

Kanina, nang nakikinig ako ng radyo sa programa ni Igan, ang blood pressure daw ni Joc Joc ay umabot na raw sa 180 OVER ACTING!!!

                           —————————-

Halloween na. Kung showing pa rin sa sinehang malapit sa inyo ang Mag-ingat Ka Sa Kulam ni Juday, panoorin ninyo ito. Perfect ang nasabing pelikula para sa mga katatakutan. Napanuod ko ang nsabing palabas at may mga eksena naman na nakakatakot/nakakagulat. Sayang nga, bigla kong naalala iyong pelikula niyang PLONING. Gusto ko rin kasing panoorin iyon dati kaya lang ay wala akong libreng oras nang ito ay ipinalabas.

Speaking of PLONING. Totoo kaya iyong sabi-sabi na ire-remake daw ito ni Piolo Pascual? May konti nga lang daw babaguhin sa titulo dahil imbes na PLONING, gagawin daw itong PIOLING. Just Asking.

                           —————————-

Ipinalalabas na nga pala iyong Gagambino sa GMA starring Dennis Trillo. Totoo kaya iyong sabi-sabi na kung kay Robin Padilla raw napunta ang nasabing teleserye, hindi raw GAGAMBINO ang magiging titulo nito kundi GAGAMBINOE (GAGAMBINOY)?

                            —————————

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga patalastas ng Gobyerno na umasenso na raw ang bansa. Sabagay, mayroon naman talagang mga umaasenso. Pero sa tingin ko, dahil iyon sa sariling sikap ng indibidwal at hindi ng Gobyerno.

Katulad na lang nitong lagi kong nadadaanang pulubi. Dati-rati kapag nadaraanan ko siya, ang hawak niyang lata sa pamamalimos ay isang luma at kinakalawang na lata ng gatas na evaporada. Aba, after 6 months, nang dumaan ako ulit doon sa lugar niya, bagong lata na ng powdered milk iyong dala niya. At hindi lang iyon, DALAWA na iyong dala niyang lata. Imagine, in just 6 months, sa pagpupursigi niya, nakapagpatayo na kaagad siya ng BRANCH. (Hehehe)

Isa pang halimbawa ng pag-asenso ay ito. Mayroon akong kakilalang dalawang mag-asawang garapata. Sobrang sipag ng mag-asawang garapata na iyon. Araw at gabi, trabaho lang sila ng trabaho. Alam ninyo ba, sa sobrang sipag ng mag-asawang garapata na iyon, ngayon, nakapagpundar na sila ng SARILING ASO. (Hehehe)

Sige dito na lang muna. Joke lang iyong mga nasa itaas ha, huwag seryosohin, baka atakihin.

God Bless Us.

Regards,

Papa Birth

KUMUSTA NA MGA FOLKS? (Oct.11)

October 10th, 2008 by robertsretardo

Kumusta na mga Folks?

 

Tuloy pa rin ang paglalantad ni Lacson ng mga ebidensiya laban kay Villar  dahil sa double insertion ng 200M pesos sa C-5 Extension projects at sa mga Fixed Assets nitong tatamaan ng nasabing proyekto.

 

Remake ba ito ng movie na…

 

“IYO ANG TONDO, KANYA ANG CAVITE”?

 

 

Anyway, ang Slogan pala ni Villar ay papalitan na. From “Mr. Sipag at Tiyaga”… ang tawag na sa kanya ngayon ay “MR. C-5 AT TAGA”.

 

 

 

Sa mga hindi pala nakaka-alam, ang double insertion at Fixed Assets ay words na madalas gamitin sa Accounting.

 

Para mas maintindihan ninyo nang maigi. Ito ang mga Tagalog ng mga nasabing salita:

 

Asset = Ari

Fixed Asset = Nakatirik na ari

Insertion or Entry = Pagpasok

Double Insertion or Double Entry = Dalawang pasok

 

Mabuti na lang at double insertion lang ang ginawa ni Villar at hindi na humigit pa rito. Kung humigit pa kasi sa double insertion ang ginawa niya, ang tawag na dito ay multiple insertion or multiple entry. Sa mga hindi nakaka-alam, ang Tagalog ng multiple entry ay “LABAS-MASOK”.

 

 

Nakalaya na ng tuluyan si Teehankee Jr. At nang ipakita ang kanyang quarter sa Bilibid prison, makikita mo parang hindi rin siya nagdusa sa loob ng kulungan. Halos kumpleto ang kanyang mga appliances at may sariling banyo pa. Samantalang iyong mga ordinaryong preso ay sama-sama sa kulungan.

 

Tsk tsk tsk… para talagang Siopao sa Bilibid Prison… Mayroong SPECIAL at mayroong REGULAR HEHEHE.

 

 

Tuloy pa rin ang balita about sa Melamine sa mga gatas. Ang mga awtoridad ay patuloy pa ring nag-iinspeksiyon sa mga gatas na gawa sa China.

 

Melamine Scare din kaya ang dahilan kaya ba nang-raid ang PNP ng mga high-class Chinese (originally from Mainland China) prostitutes sa Binondo noong unang linggo ng October ? Hehehe. Joke lang.

 

Sabagay, safe naman siguro ang mga nasabing prostitutes basta gagamit ka ng condom at… kung hindi ka DE-DEDE…Hehehe.

 

 

 

Nakita ninyo na ba iyong Ponds commercial nina Dingdong at Piolo? Hanep, ang galing ng idea ng Ponds kasi napagsama niya sa kanilang Commercial ang bigatin ng Channel 2 at Channel 7.

 

Anyway, totoo kaya na hiwalay na raw si Dingdong at Karylle? Kung totoong hiwalay na sila, sino kaya ang dahilan, si Antoinette kaya? Si Marian? O si Piolo? Hehehe. Vote na kayo at manalo ng one month stay sa Sirenea. Hehehe.

 

Sige. Dito na lang muna. Jokes lang ang mga nasa itaas at huwag seryosohin, baka atakihin hehehe. Panoorin ninyo na lang ito para maging masaya kayo;

 

http://www.youtube.com/watch?v=YPxQrzfspKI&feature=related

 

God Bless Us.

 

Regards,

Papa Birth

 

 

 

 

 

 

 

WALONG BAGAY NA HINDI MO ALAM TUNGKOL SA AKIN

September 25th, 2008 by robertsretardo

 

Walong Bagay Na Hindi Mo Alam Tungkol Sa Akin:

 

            Ang orihinal na titulo talaga nito ay nakasalin sa salitang Ingles na 8 Things You Don’t Know About Me. Itong paksang ito ay ipinasa sa akin noon pang Abril ng kaibigan kong si Nelson (bro, pasensiya ka na sa sobrang atrasadong pagsagot ko nito ha). Iyon nga lang, ngayon lang ako nagkaroon ng panahon para sagutin ito. Dito ko inilagay sa Blog ko itong paksang ito dahil iyon ang hiling ng may akda ng paksa.

 

            Para sa inyong kaalaman, ang walong bagay na hindi ninyo alam tungkol sa akin ay ang mga sumusunod:
 
Una. Ayaw na ayaw kong nakakatanggap ng mga chain letters o forwarded messages na walang kabuluhan. Lalo na iyong mga chain letters na laging sinasabi na kapag pinasa mo ay susuwertehin ka, at kapag hindi mo naman pinasa ay mamalasin ka. Kapag nakakatanggap ako nito ay binubura ko na lang kaagad. Sadyang mga panloloko lang naman ang mga ganoong klaseng mensahe at nararapat lang na burahin kaagad para hindi na kumalat. Sana ganoon din ang gawin ng karamihan ng gumagamit ng E-mail. Nang mabawasan ang mga ganoong klaseng mensahe na walang kuwenta.

Pangalawa. Mahilig ako sa pabango. Sa ngayon ay may lima akong pabango at ito ay ang Lacoste Essential, Pierre Cardin, Burberry Touch, Eternity Summer at Davidoff Cool Water. Sa lima, ang pinakagusto kong gamitin ay ang Eternity Summer. Pero ang pinaka-paborito ko talaga ay iyong naubos kong Polo Black (bigay sa akin ng kumpare ko) at Polo na amoy dahon ng bayabas, na nakalimutan ko ang pangalan. Nahilig ako sa pabango kasi dati, noong nag-aaral pa ako, hindi ako makabili ng mga pabango na tulad nito. Ang kaya ko lang bilhin noon ay Axe noong highschool at Johnson’s Baby Cologne naman noong college. Sa ngayon kasi, mayroon na akong ate na palaging may pasalubong sa akin na pabango tuwing uuwi siya sa Pinas (hehehe, akala ninyo binibili ko ano, joke lang).

Pangatlo. Mahilig ako magbasa ng aklat na tungkol sa self-help, comedy at non-fiction. Kapag nasa mall ako at nag-iisa, sa bookstore ako madalas nagpapalipas ng oras. Kapag may nakita akong aklat na mukhang magandang basahin ay agad ko itong binibili. Tatlo sa paborito kong may akda ay sina, Robert Fulghum, Robert Kiyosaki at Roberto Ong (what a coincidence? Puro Robert kasi eh hehehe. Pero iyong Roberto Ong o mas kilala sa Bob Ong ay isang pseudonym o pen name lamang ng may akda). Kahit mahilig ako magbasa ng aklat, hindi ako interesado magbasa ng Science or Magical fiction books at iyong mga tungkol sa romance. Karamihan ng istorya kasi ng mga ganoong aklat ay malayo sa katotohanan.

Pang-apat. Nangongolekta ako ng cartoon drawing ni Joey San Luis sa editoryal (nasa page 4 ito) ng Peoples Tonight. Magaganda kasi ang atake niya sa mga guhit niya tungkol sa pangkasalukuyang mga balita.

Panglima. Ewan ko ba pero hindi ako kumportable sa pagsasalita o pagsusulat ng salitang banyaga tulad ng Ingles. Ginagamit ko lamang ang nasabing salita kung kinakailangan. Iyon nga lang, may pagkakataon talaga na dahil hindi ko ginagamit ang nasabing salita, minsan ay mabagal o nabubulol ako magsalita nito. Parang makina kasi ang wika eh, kapag hindi mo ginagamit, kinakalawang.

Pang-anim. Noong bata pa ako at ate ko, nagbabahay-bahay kami sa aming Subdivision para manghingi ng kaning-baboy. May alaga kasi kaming baboy noon sa likod-bahay namin na siyang nagpa-aral sa amin. Bukod sa paghingi ng kaning-baboy, nangunguha rin ako ng kangkong sa mga kanal at bakanteng lote. Ang madalas kong kasama mangangkong noon ay kundi ang nanay ko ay ang kababata at kumpare ko (siya rin ang nagbigay sa akin ng Polo Black na pabango) na nasa Macau na ngayon.  May babuyan din kasi sila dati.

Pampito. Mahilig akong mag-drawing noong bata. May kasalanan nga lang akong nagawa noon dahil sa aking pagdo-drawing. Ano ito? Ito ay ang pag-convert ko ng mukha ng ating bayaning si Emilio Aguinaldo sa mukha ni Randy Santiago sa limang pisong papel noon. Sabagay, isang beses ko lang naman ginawa iyon. Pero promise, kamukhang-kamukha ni Randy Santiago iyong ginawa ko hehehe.

At pangwalo. Hindi ako sanay lumangoy… hindi ako sanay mag-drive… hindi ako naninigarilyo… hindi ako naglalasing… at hindi ako sanay mambabae… Hulaan ninyo na lang kung ano ang hindi totoo hehehe.

 Sige dito na lang muna.

 

 Regards,

 

 Papa Birth

 

 

KUMUSTA NA MGA FOLKS?

September 23rd, 2008 by robertsretardo

 Kumusta na mga Folks?

            Napaka-ganda ng pagho-host ng bansang China sa nakaraang Beijing Olympics. Napakagaling din ng mga atletang kalahok. Record breaking si Michael Phelps sa swimming na nakakuha ng 8 gold medals at iyong Jamaican sprinter naman na si Usain Bolt, na nakakuha ng 3 gold medals ay record breaking din sa 100m, 200m at 4 x 100m relay.

 

           Alam ninyo ba na may mas matulin pa raw na atleta kaysa kay Usain Bolt ng Jamaica na taga Africa rin? Ang training ng taong mas matulin pa kay Bolt ay nagpapahabol raw ito sa mga leon sa Africa . Iyon nga lang ay hindi ito nakasali sa nakaraang Beijing Olympics. Bakit ito hindi nakasali sa nakaraang Beijing Olympics? INABUTAN KASI ITO NG LEON . HEHEHE.  

             

            Speaking of takbuhan. Sa tingin ko, para maka-gold tayo sa track and field, ang kunin nating mga panlaban sa larangang ito ay iyong mga snatchers sa Quiapo, Sta Cruz, Cubao at Sta. Mesa atbp. Kaunting training na lang kasi ang kailangan sa kanila. Sanay na sanay na kasi sila sa takbuhan. Tiyak iyon, kapag mga snatchers iyong mga ginawa nating atleta sa takbuhan, makakakuha na tayo ng gold next London Olympics sa 2012. Ang sarap siguro basahin sa mga tabloids iyong headline na;

 

  “PILIPINAS, NAKASUNGKIT NG GOLD.”

 

 Ang sarap basahin di ba? Kaya lang, sa ilalim ng headline may nakasulat na;

 

  “ GREAT BRITAIN , NANAKAWAN NG GOLD.” 

 

 Nyek! mandarambong talaga hehehe.

             

          Anyway, naka-panood na ba kayo sa mga Comedy Bar? Ang suggestion ko, kapag gusto ninyo manood sa mga Comedy Bar, ang tiyempuhan ninyo ay sina Pooh, Pokwang o Vice Ganda. Magagaling kasi silang magpatawa. Months ago nga, ang alam ko ay may series of concert sina Pooh at Pokwang, iyon nga lang, hindi ako nakapanood.

 

          Speaking of concert, alam ninyo ba na balak daw gawan ng concert sina  Pooh, Kaye Brosas at Mo Twister? Iyon nga lang, ang sabi ay mukhang hinarang daw ito ng MTRCB. Ang magiging titulo raw kasi ng concert nila ay POOH KAYE MO IN CONCERT. (Style Vagina Monologue kaya ang concert nila kung nagkataon hehehe)

 

          Sayang. Kung nagkataon kasi na naging successful ito, balak daw sana itong gawan ng part 2 at isasama pa si Lucky Manzano. Gusto kasi ng concert organizer ay mas malaki ang part 2 na concert nila kaysa sa part 1. Kung nagkataon, sana ang magiging title ng 2nd concert nila na mas malaki ay LUCKY POOH KAYE MO IN CONCERT (hehehe,mas malaki nga).

 

          By the way, putok na putok ngayon ang balita tungkol sa gatas na mula sa China na may melamine. Kawawang China. Kasi kakarecover lang nila sa formalin issue dati, ngayon panibagong problema na naman ang kinakaharap nila sa pagkain nila.

 

Tsk tsk tsk… From FORMALIN TO MELAMINE HUH.

 

          Sabi ng karamihan, mas safe at ma-protina pa rin ang gatas ng kalabaw talaga. Kaya marami ang nagsa-suggest na bumalik tayo uli sa tradisyon na paggamit at pag-inom ng gatas ng kalabaw.

 

          Ang tanong nga lang ng iba ay safe pa rin kaya inumin ang gatas ng kalabaw…kung ang KALABAW ay GALING SA CHINA? (HEHEHE. JOKE LANG)

 

          Speaking of kalabaw. Kakatapos lang ng Singkaban Festival dito sa amin sa Bulacan at isa sa highlight ay ang pagsali sa Guinness Book of Record ng pinakamahabang gawa ng pastillas. Umabot 202 meters ang haba nito, at take note, 100% gatas ng kalabaw ang ginamit dito. Sobrang daming gatas ang kinuha sa mga kalabaw noon para mangyari lang ang nasabing event.

 

          Akala ko magiging headline kinabukasan noon sa mga Diyaryo ay;

 

“Bulakan, Nagawa ang 202 meters na haba ng pastillas para isali sa Guinness Book of Records”.

 

        Tapos sa ilalim, nakalagay naman ang;

 

“MGA KALABAW, NA-ICU PAGKATAPOS GATASAN” (HEHEHE. JOKE LANG ULIT.ITO ANG PANG-GUINNESS HEHEHE)

 

          Sige. Dito na lang muna mga folks. Joke lang lahat ang mga ito ha at huwag seryosohin. 

 

God Bless Us.

 

Regards,

Papa Birth

 

 

 

BALIK-TANAW (MY ELEMENTARY SCHOOL LIFE PART 8)

November 27th, 2007 by robertsretardo

Nauso ang tuksuhan ng mga love-team sa klase namin. Ito ay isa pa rin sa mga masarap balikan sa buhay ko bilang mag-aaral. Napapangiti nga ako mag-isa kapag naaalala ko ito. Masaya ito kasi talaga namang nakakaasar ng mga panahong iyon kapag tinutukso ka, lalo na kung “crush” mo talaga ang itinutukso sa iyo. (Parte siguro talaga ng pagdadalaga at pagbibinata iyong pagiging mahiyain mo kapag itinutukso ka sa “crush” mo.) Isa sa paraan kung saan nakukuha iyong mga kaalaman sa mga “crush”-“crush” ng mga panahong iyon ay ang SLUM BOOK. Kung hindi nga ako nagkakamali, isa sa may SLUMBOOK ng panahong ito ay si Gladys. Isa rin siya sa malakas manukso sa aming mga kaklase hehehe. Samantala, ilan sa pinakasikat na love-team dati na tinutukso ay ang mga sumusunod:

Si Allan at Cristina – Dito si Allan talaga ang may crush kay Tina. Maganda naman talaga si Tina. Iyon nga lang si Allan tahimik lang at hanggang tingin lang pero inaamin niya naman na crush niya talaga si Tina.

Si Tirso at Leonarda (a.k.a Dagda) – Dito si Leonarda ang may crush kay Tirso. Sabagay, sino ba naman ang hindi magkaka-crush kay Tirso eh napakapogi naman talaga ni Tirso ng panahong ito. Ang crush ni Tirso naman ay si Fatima, iyon nga lang may Dennis (taga “section 4”) na si Fatima nang panahong ito.

Si Roderico at Leonarda pa rin – Namamangka sa dalawang ilog si Leonarda. Ang gusto niya dalawang pogi ang mapunta sa kanya hehehe.

Si George at Rosabel – Dito hindi malaman kung totoo ngang crush ni Rosabel si George. Bagay kasi sila kaya tinutukso namin saka binibiro din naman kasi ni George si Rosabel na crush niya kaya namuo ang tuksuhan sa kanila hehehe.

Si Nelson at Bernadette – Dito hindi namin alam din kung sino ang may “crush” kanino. Tinutukso lang namin sila kasi lagi silang magkasama at hindi sila mapaghiwalay. (Sa ngayon mag-asawa na sila… Ang galing diba? hehehe)

Si Ernesto at Yolanda – Magkasing taas kasi sila at bagay na bagay kaya namin tinutukso. Sa amin kasing magkakaklase, sila ang parang nanay at tatay namin dahil sila ang pinakamataas. Dito asar na asar si Ernesto kasi ang crush niya ay si Fatima.

Sa akin ang natatandaan ko na itinutukso ay si Loida o kung tawagin namin dati ay si Doday Adik hehehe. Pero ang pagkakatanda ko kung hindi ako nagkakamali, itinutukso din siya kay Gerardo at Albert.

(To be Continued)

BALIK-TANAW (MY ELEMENTARY SCHOOL LIFE PART 7)

November 19th, 2007 by robertsretardo

Lunes. Ika-Isang Libo Siyam na Raan at Walumpu’t Pitong Taon na. Hunyo at nasa Ika-anim na Baitang na ako. Halos walang bagong mukha sa klase namin ngayong taon. Kung mayroon mang nadagdag o nabawas, mabibilang lang ito sa daliri ng aking isang kamay. Masaya ako nang araw na ito dahil ang magiging “adviser” namin ay siya ring naging “adviser” ko noong nasa Ika-Unang Baitang ako. Alam ko kasing magaling at mabait ang guro kong ito kahit kadalasan pinapairal niya ang pagiging istrikto. Saka nang nasa Unang Baitang ako, parang bitin iyong pagtuturo niya sa kadahilanang “nag-leave” siya ng matagal at pinalitan siya ng iba’t-ibang mga guro.

Ito ang pinakamasaya at pinaka-“memorable” na taon para sa akin. Isa nga sa hindi ko malilimutan ay iyong paggaya ng iba kong kaklase sa grupong “Menudo”. Kapag nakaliban kasi ang aming guro (sa isang subject), para maging masaya ang klase, ang ginagawa ng mga kenkoy kong kaklase ay isinusuot iyong mga basahan namin na nasa baul at magsasayawan at saka magkakantahan ng mga kantang sikat ng panahong iyon. Sa pagkakatanda ko, ang grupong gumagaya sa Menudo ay sina Efren, Ernesto, Abelardo (SLN) at Dalmacio.  Bukod pa iyan kina Albert, Gil (SLN), George, Roderico at marami pang iba na nagsusuot din ng mga basahan para naman sa banda o grupo na ginagaya nila o kaya “substitute” sa Menudo. (Pagkakatanda ko nga nagsuot din ako nito eh.) Napakasaya nitong mga “moments” na ito kasi buong klase nakikigulo sa “concert” kuno. (masaya rin kasi imagine, iyong luma at sirang salawal, karsunsilyo, sando, palda, brief at panty na dinala naming magkakaklase para maging basahan,na-upgrade nila ang gamit for concert hehehe) Iyon nga lang, ang tanda ko, may mga araw na sinusugod kami ng ibang guro na nagtuturo sa tabi ng silid-aralan namin, dahil sa kaingayan naming magkakaklase hehehe. (parang hindi Cream Section sa gulo hehehe)

Nauso ang tuksuhan ng mga pangalan ng mga magulang. Halimbawa, kung ang pangalan ng nanay mo ay Maria, ito ang tukso sa iyo o tawag sa iyo. O kaya kung ang tatay mo ay Boy, tiyak ito ang tawag sa iyo. Minsan, para mas nakakaasar, dinudugtungan pa nila ng salitang pang-uri na nakaka-asar. Minsan naman ang tukso sa iyo, iyong kapinsanan o kamukha ng magulang mo (kaya huwag ka magdadala ng magulang kapag PTA Meeting hehehe). Hindi lang sa “section” namin nauso ito kundi maging sa buong eskuwelahan. Ilan sa mga tukso ay “Litang Ugat”, Linda, “Perly Shell”, “Saksak” at iba pa. Ang pinaka-paborito kong marinig na tukso ay iyong tukso sa estudyante sa ibang “section” na kalaro rin namin sa “moro”-“moro”. Asar na asar kasi siya kapag tinukso ng ganun. Alam ninyo ba kung bakit? Kasi ang tukso sa kanya ay “Narsing Bulbulin” hehehe. (Bakit kaya? Hehehe) Masaya rin itong tuksuhan na ito kasi pati mga guro namin hindi nakaligtas sa mga bagong bansag sa kanila hehehe. (ang tukso naman sa kanila ay iyong kapintasan sa kanila saka patago lang ang pagtukso namin para di mapagalitan hehehe)

Ito rin ang taon kung saan nauso iyong balita na may mga batang nawawala at inaalay raw ng “kulto” sa pinuno nila. Ang tawag sa kultong ito raw ay “Satanista”. Kaya bata raw ang nawawala at inaalay ay dahil ang gusto raw ng pinunong “Satanista” ay birhen ang inaalay sa kanya. Labis ang takot ng mga mag-aaral ng mga panahong ito. Mas lalo pa kaming natakot kasi pati mga magulang at mga guro namin naniniwala sa nasabing balita. Ang balita pa nga dati, huwag na huwag daw iiwan iyong tsinelas mo sa labas ng bahay kasi kapag nawala raw iyon, ikaw na ang susunod na biktima. Sa nasabing balita, wala namang napatunayan na ebidensya kung totoo nga itong kumalat na sabi-sabi. (Na mala-Horror Komics ang “story” hehehe)

(To Be Continued)

BALIK-TANAW (MY ELEMENTARY SCHOOL LIFE PART 6)

November 16th, 2007 by robertsretardo

Nasa ika-Limang Baitang na ako. Taong Isang Libo Siyam na Raan at Walumpu’t Anim. Mas “exciting” ang taong ito kasi marami na naman kaming bagong matatalinong kaklase na nagmula sa eskuwelahan ng Barangay Malis. Ang eskuwelahan kasi roon ay hanggang ika-Apat na Baitang lamang. Kaya ang mga estudyante roon, ang karamihan ay lumilipat sa eskuwelahan namin pagtuntong nila ng Ika-Limang Baitang. Ilan sa mga naging kaklase naming bago na galing sa eskuwelahan ng Malis ay sina Rosabel, Loida, Leonarda at Gil (SLN). Sila ay mga “Cream of the Crops” ng kanilang dating eskuwelahan. May ilan pa rin kaming bagong kaklase mula sa iba pang eskuwelahan na pawang magagaling din.

Tuwang-tuwa kaming magkakaklase sa bago naming kaklase na si Celso. Napakalakas kasi ng ulan ng mga panahong iyon nang dumating siya at pumasok sa silid-aralan namin na basang-basa. Pero may dala siyang payong ng araw na iyon. Iyon nga lang itinago niya sa T-shirt niya ang payong. Bakit niya itinago sa T-shirt niya ang payong at hindi ginamit? Baka raw kasi ito mabasa hehehe. (Very caring hehehe)

Ipinanlaban kami nina George at Victoria sa Patimpalak, sa larangan ng Tula. Ang tula naming nilabanan ay ang kategoryang Balagtasan o Duplo. Una kaming inilaban sa eskuwelahan lang namin. Nang kami ang nanalo, inilaban naman kami sa Patimpalak kung saan kalaban ang lahat ng eskuwelahan sa elementarya ng buong Bayan.

Nahilig na naman ako sa sugal. Tuwing “flag ceremony”, hindi kami sumasama ng mga kasugalan ko sa pagpila sa "school ground" bagkus nagsusugal kami sa likod ng silid-aralan namin. Ang sugal na nilalaro namin ay kundi tanching ay teks pera.

Natuto akong kumita ng pera sa pamamagitan ng "Palabunutan". Kung dati ako ang mahilig bumunot para manalo ng ibon na may kulay o ng pera, ngayon ako na ang "nagpapabunot". Bumibili ako sa palengke ng "Palabunutan"(na ang papremyo ay pera) at nagpapabunot ako sa eskuwelahan namin. (Business minded hehehe)

Ito ang taon kung saan nag-away ang dalawa naming kaklase na sina Mae at Rosalie. Grabe ang away nila kasi sabunutan at kalmutan talaga. Pero mas grabe nang inabutan sila ng guro namin habang nag-aaway sila. Ayaw kasi nilang magpaawat sa isa’t isa kaya ang ginawa ng guro namin pinag-uuntog sila at pinagsasabunutan. (Wow WWE Wrestling hehehe)

Pumutok at naging popular ang “self-published” na “Friends Comics” ni Nelson. Tuwang-tuwa kaming magka-kaklase kapag may bagong gawa si Nelson ng “home made” “comics” niya. Si Nelson kasi, bukod sa matalino ay magaling din gumuhit. Isang kopya lang iyong “comics” niya bawat “issue”, kaya “first come, first served” ang basa hehehe.

Natapos na naman ang isang buong taon ko sa Ika-Limang Baitang. “Honor Student” pa rin ako kaya lang nasa ikaanim na puwesto na lamang. Matindi naman kasi talaga ang labanan naming mga estudyante dahil nasa “Cream Section” nga kami. Hindi ako um-attend ng “Recognition Day” kasi unang sabi sa akin ng “adviser” namin “ribbon” lang ang makukuha ko. Bandang huli nalaman ko na lang na medalya rin pala.

(To Be Continued)